Oct
18
Luntiang Aghama
October 18, 2005 | |
Ang Luntiang Aghama ay samahang Pagano na nakasalig sa Karunungan at Kaalaman. Naniniwala kami na ang karunungan ng Dios ay nagbibigay ng kaalaman sa tao at ang karunungan ng tao ay ang makilala at malaman kung sino ang Dios.
Naniniwala kami na upang makilala ang Dios, ay dapat maunang makilala ng tao ang kanyang sarili. Sa pamamagitan nito, madaling malalaman ng tao at makikilala nya ang Dios at ang kanyang kahalagahan sa Buhay ng Tao. Sa pamamagitan din nito mas mabibigayan ng tao ang Dios ng lubos na pagmamahal ng higit sa lahat.
Ang Pagmamahal sa Dios ay ang pagmamahal sa sarili at sa kapwa. At bsa bawat nilalang na nagmamahal ay naroon din ang pagmamahal ng Dios.
Hindi nagtatangi ang Dios kaninuman. Hindi mahalaga kung ano ang iyong kultura, relihiyon, kulay, paniniwala, kasarian at pagkakaiba. Kinikilala ng Dios ang lahat ng nilalang na nagmamahal. At dahil dito ay ibinuhos ng Dios ang kanyang pagpapala sa lahat.
Kinikilala namin ang Dios bilang iisang Dios. Ngunit naniniwala rin kami na ang Dios ay makapangyarihan. At sa kanyang kapangyarihan inihayag nya ang kanyang sarili sa ibat ibang anyo at katangian. Naniniwala kami na sa bawat anyo at katangian na kanyang inihayag ay may kapangyarihan. At ang kapangyarihang iyon ay kaniyang ipinagkaloob sa bawt isa na tumanggap sa kanyang kapahayagan. Ang bawat anyo ay may kapahayagan, at ang bawat pahayag ay nagdudulot ng kapangyarihan.
Naniniwala kami na ang bawat nilalang na tapat na nagmamahal at sumasamba sa kanya ay pinagkalooban nya ng Kapangyarihan. At ang kapangyarihang iyon ay kanyang handog bilang tanda ng kanyang pagmamahal sa mga tapt na nagmamahal at sumasamba sa kaniya. Ang mga sumasamba sa kanya ay marapat sumamba sa pamamagitan ng kanyang isip, salita at sa gawa. Sa lahat ng aspeto ng buhay ng tao ay marapat na sambahin ang Dios.
Naniniwala kami na ang tao ay may limang aspeto. Katawan, isipan, emosyon, sosyal ay sipiritual. Ang limang aspetong iyan ang syang bumubuo sa tao. Kayat marapat lamang na sambahain ang Dios sa pamamagitan ng limang aspeto.
Kami ay walang templong sambahan. Wal kaming gusaling pinagtitipunan para sumamba. Di tulad ng mga Kristiano, Muslim, Judeo, Budeo na may gusaling pinagdarausan ng gawaing pagsamba. Ang aming templo ay ang aming mga katawan at ang bawat luntiang kapaligiran na kung saan ay nagsisilbing buhay na templo ng Dios. Naniniwala kami na walang kaluguran sa Dios ang sumamba sa mga gusaling inanyuan ng tao para sa gawaing pagsamba. Ang Dios ang syang nagtatag ng kanyang Templo. Sya ang lumikha nitong kalangitan at buong sansinukuban bilang kanyang tahanan at upang dito natin sya sambahin.
Sa pamamagitan ng kaniyang nilikha namin sya sinasamba. Sinasamba namin sya sa bukang liwayway at sa dapit hapon. Sinasamba namin sya sa katanghaliang tapat. Sinasamba namin sya sa karimlan ng gabi. Sinasamba namin sya sa pagsikat ng araw. Sinasamba namin sya sa pagbilog ng buwan. Sinasmba namin sya sa kaningningan ng mga tala. Sinasamba namin sya sa pagdating ng habagat at amihan. Sinasamba namin sya sa pagdating ng kulog at kidlat. Sinasamba namin sya sa tag-araw at sa tag-ulan. Sinasamba namin sya sa kalangitan. Sinasamba namin sya sa lahat ng anyo sa lupa at karagatan. Sinasamba namin sya sa aming kapwa. Sinasamba namin sya sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng anyo.
Ang pagpapahalaga sa kaniyang nilikha ay isang anyo ng pagmamahal at pagsamba sa kanya. Kaya lahat ng nilalang mapa tao, hayop, insecto, isda, ibon, bulaklak, halaman, puno, anyong lupa, tubig, hangin at apoy ay binibigyan namin ng lubos na pagpapahalaga at pagmamahal. Ang pagmamahal sa iyong kapwa ay pagmamahal sa Dios na lumikha.
Kami ay hindi naniniwala sa Kasalanan. Dahil ang kasalanan ay ang di pagsunod sa kautusan. Di kami tulad ng ibang relihiyon na nagtuturo ng mga batas upang magkaroon ng kasalanan. Ang tanging utos na aming natanggap ay ang mabuhay sa liwanag at pagmamahal. Ang taong nabubuhay sa liwanag ay wala sa kadiliman. At kung ikaw ay wala sa kadiliman ay malaya mong magagawa ang lahat na may pagmamahal. Ang mabuhay sa liwanag at pagmamahal ay ang mabuhay ng ‘di pagawa ng masama.
Ang masamang gawa ay nakakasakit. At ang pagkakasakit ay nakakamatay. At ang kamatayan ay walang buhay. At ang Dios ay Buhay. Kung ang kamatayan ay walang buhay, at ang buhay ay ang Dios, alin kaya ang nais piliin ng tao? Ang mabuhay kasama ang Dios sa Liwanag at Pagibig!
Kami ay walang kasulatan kung saan nangungusap ang Dios. Di tulad ng ibang relihiyon na may kasalutan na nagsasaad ng nga salita ng Dios. Ang Dios ay nangungusap sa amin sa pamamagitan ng isip, panaginip at pangitain. Ang Dios ay nangungusap sa amin sa apoy, hangin, tubig at lupa. Ang Dios ay nangungusap sa amin sa pamamagitan ng mga halaman, hayop, insecto, ibon, puno, bato at iba pa. Sya’y nangungusap sa pamamagitan ng kulg, kidlat, bagyo, delibyo at lindol. Sa lahat ng kaparaanan sya’y nangungusap sa atin. Sya’y makapangyarihan at di matatawaran, kailangan lang nating matutong makinig at tumalima.
Ang Dios ay patuloy sa paglikha at sa kanyang paglikha ay itinilaga nya tayong tagapangalaga ng kanyang nilikha. Walang sinuman ang nais wasakin ang kanyang mga nilkha maliban na laman sa mga nilikhang walang puso at pagmamahal sa kanya.
Ang magmahal ay ang dakilang layunin ng tao kung kaya’t sya’y nabubuhay sa mundo. Ang pagmamahal na naguugat sa pamilya at sumasanga sa kanyang lipunan. Ang kapwa ay pananagutan ng bawat tao pagkat ang tao ay di nabubuhay kung wala ang kanyang kapwa.
Kung ang iyong kapwa ay mangailangan, marapat lamang na sya iyong tulungan dahil ito ay isang pamamaraan ng pagpapakita ng iyong pagmamahal at pagsamba sa Dios. Tulungan mo ang iyong kapwa sa abot ng iyong makakaya dahil darating din ang panahon na kung ikaw ay mangailangan ay kanya rin naman ikaw ay tutulungan. Ibigay mo sa iyong kapwa ang tulong ayon sa kanyang hinihingi. At tumanggap ka ayon sa iyong ginawa. Ang kalabisan ay di kaayaaya, kaya panatilihing patas ang lahat ng iyong mga gawa.
Ang bawat kilos ay may katumbas na kaganapan. At ang bawatkaganapan ay umaayon sa iyong ikinikilos. Kaya kumilos ayon sa nais maging kaganapan. Kung ang kaganapan ng iyong ikinilos ay hindi umayon sa iyong ninanais, huminto, tumigil at magisip baka hindi ang iyong kalooban ang dapat mangyari bagkus ang kalooban ng Dios ang dapat umayon.
Sa lahat ng bagay ay dapat magpasalamat. Dahil nasa pagpapasalamat masusumpungan ang katiwasayan sa buhay. Ang lahat ng ninanais ng tao ay hindi makakamit kung hindi ito ipinagpapasalamat. Kaya magpasalamat sa lahat ng bagay na iyong nakamit.
Ang paghahangad ay isang ugali na gawa ng tao. At ang paghahangad ng higit sa pangangailangan ay isang kalabisan. At ang kalabisan ay walang tunay na kasiyahan. Ang tunay na kasiyahan ay makakamit sa pamamagitan ng pagpapasalamat. Kaya muli, laging magpasalamat sa lahat ng bagay na iyong makakamit.
Ang salita ng tao ay may kakayahang makapagpaganap ng isang kaisipan. At ang kaisipan ay may kapangyarihang lumikha. Kaya ang salita ay makapangyarihan at marapat lamang natin itong limitahan.
Ang kakayahang lumikha ay naaayon sa kalooban ng isang nilalang. Kung ano man ang kanyang nais ay syang magkakaroon ng kaganapan. Ngunit kung ang kanyang kalooban ay di mawari ang kanyang nais, paano magkakaroon ng katuparan ang kanyang kalooban?
Ang Malinaw na pagiisip ay makakamit sa pamamagitan ng pagtuon sa iisang hangarin. At ang hangarin na magkaroon ng malinaw na pagiisip ay isang tunay na kasiyahan.
Tayo ay mga anak ng Pinagpala. Hindi natin hinagad na mapabilang sa liwanag bagkus tayo ay maging liwanag. Ang liwanag na magniningning sa gitna ng kadiliman sa pamamagitan ng pagmamahal sa Dios at sa ating Kapwa.
Magningning nawa sa atin ang Pagpapala ng Dios sa pamamagitan ng liwanag at pagibig!!!